Tatlong cluster sa CALABARZON, kaisa sa F2C2 National Cluster Summit
Kaisa ang tatlong cluster mula sa rehiyon ng CALABARZON sa idinaos na ikatlong National Cluster Summit ng Department of Agriculture (DA) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) Program sa Naga City, Camarines Sur noong huling linggo ng Hulyo.
Ito ay may temang “Nagkakaisang Lakas sa Agrikultura, Tagumpay ng Magsasaka at Mangingisda” kaakibat ang layunin ng F2C2 na palakasin ang sektor ng agrikultura sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga grupo ng mga magsasaka at mangingisda sa pagbuo ng magandang sistema.
Tampok ang pagpapamalas ng mga produktong bunga ng kakaw, kape, at gatas ng mga cluster sa rehiyon na Lusiana Cacao Grower Producers Cooperative (LCGPC), Llano Farmers Multi-purpose Cooperative (LFMPC), at Mataas na Kahoy Coffee and Cacao Farmers Association.
Kabilang pa sa mga isinagawa sa aktibidad ay ang pagtalakay sa mga estratehiya o programa ng mga samahang nagsilbing modelo at inspirasyon para sa mga cluster sa bansa. Sinundan pa ito ng pagbisita sa mga sakahan na nagpapakita ng mga makabagong teknolohiya gaya ng paglalagay ng pataba gamit ang drone.
Ikinatuwa ni Rico Huertas, Board of Directors (BOD) sa marketing ng LFMPC, ang paunlak na maimbitahan sila sa summit dahil dito ay marami silang nabaon na kaalaman at naipakilala pa ang mga ipinagmamalaki nilang produkto gaya ng fresh milk, pastillas, yema, white cheese, at iba pa.