Tatlong samahan ng magsasaka ang sumailalim sa pagsasanay na isinagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Farm and Fisheries Clustering and Consolidation (F2C2) program tungkol sa paggawa ng Cluster Development Plan (CDP) noong ika-24 ng Agosto sa Tayabas City, Quezon.

Ang pagsasanay ay bahagi ng F2C2 program na naghahangad na tipunin ang bawat samahan ng mga magsasaka at mangingisda upang palakasin ang kanilang kapasidad kasabay ng pagpapaunlad ng kanilang produksyon at kita.

Nilahukan ng mga magsasaka mula sa Tayabas United Farmers Association, Corn Growers Association in Tayabas, at Calumpang Corn Growers Association ang aktibidad na naglalayong gabayan sila sa pagsasaayos ng kani-kanilang Cluster Development Plan. Dito nakapaloob ang kasalukuyang katayuan ng produksyon ng kanilang mga pananim at ebalwasyon sa mga suportang kailangan ng samahan na magsisilbing batayan ng DA-4A sa pagbibigay sa kanila ng mga tulong at interbensyon.

“Malaking tulong po ang pagpunta sa amin dito ng mga taga DA-4A. Nabibigyan kami ng oportunidad na makadaupang palad ang mga teknikal na nagtuturo sa amin kung paano mag-review at mag-revise ng mga kailangan naming i-report para sa ikakagaling pa ng aming grupo,” ani Racquel Sauquillo, pangulo ng Corn Growers Association in Tayabas.

Sa pagtatapos ng pagsasanay ay malayang nagkaroon ng konsultasyon ang bawat samahan sa iba’t-ibang bahagi ng kanilang cluster development plan mula sa pagbuo ng mga misyon hanggang sa mga detalyadong estratehiya ng kanilang grupo.

Kasama rin sa aktibidad sina F2C2 Secretariat Joel Sumaniego, Agricultural Engineer ng Tayabas Fritz Robenick Tabernilla, at iba pang kawani ng DA-4A. #### (✍🏻📸 Danica Daluz)