Isinusulong ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ang tatlong taong plano para sa negosyo ng mga Farmers’ Cooperatives and Associations (FCAs) sa rehiyon.
Ito ay ang Capacity Development Plan (CDP) na naglalaman ng kasalukuyang kalagayan ng negosyo ng mga magsasaka, mga kinakailangang interbensyon para sa paglago, mga aktibidad na dapat isagawa, at ang pondong pagkukunan para sa implementasyon.
Bahagi ito ng umiiral na batas, ang Republic Act (RA) 1132 o “Sagip Saka” Act na nagtatakda sa Kagawaran ng Pagsasaka na tukuyin at i-monitor ang mga suportang ipinagkaloob at kailangang ipagkaloob pa para sa ikabubuti ng negosyo ng mga magsasaka.
Bago buuin ang nasabing CDP ay sinimulan nang isagawa ng DA-4A AMAD ang unang hakbang kalakip nito, ang enterprise assessment sa mga FCAs noong ika-2 ng Abril.
Inaasahan ang serye ng pagpapatuloy nito sa mga natitirang linggo pa ng buwan ng Abril. Ayon kay Jahmel Mora, pangulo ng Ilasan Multi-Purpose Cooperative, natutuwa siya sa palaging pag-alam ng Kagawaran sa kung paano pa sila mas matutulungan sa business at marketing. Aniya, nagsisilbi ring inspirasyon ang makinig at makisalamuha sa iba pang tagumpay na samahan ng magsasaka na tinatawag din nilang “big brother.” #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)