Sa paggunita ng Global Warming and Climate Change Consciousness Week, nagsagawa ang Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa pangunguna ng Adaptation and Mitigation Initiatives in Agriculture (AMIA) ng “Climate Resilient Agriculture (CRA) Technology Forum and Workshop” noong ika-21 ng Nobyembre, 2022.
Nilahukan ito ng mga kawani ng Provincial Local Government Units (PLGUs), Agricultural Program Coordinating Offices (APCO), Research Stations ng CALABARZON at iba pang mga kawani ng DA-4A.
Nagpaabot ng pagbati si AMIA National Director Alicia Ilaga sa pamamagitan ng recorded video message. Ipinahayag nya ang kanyang kagalakan sa pagtitipon na ito upang matalakay sa mga PLGUs ang iba’t ibang teknolohiya upang mapagtibay ang mga sakahan sa kabila ng climate change.
Samantala, idiniin ni OIC-Regional Executive Director Milo delos Reyes na ang bawat isa ay may papel sa climate resiliency upang mapalakas ang mga sakahan sa CALABARZON at isa na rito ang pagkakaisa sa kalikasan at sa LGUs upang magkaroon ng isang magandang polisiya na malaki ang maiaambag sa kalikasan at agrikultura.
Tinalakay sa pagtitipon ang epekto ng climate change sa tanim at sa mga alagang hayop, mga kasanayang pangkultura sa produksyon kabilang ang seed technology, pamamahala sa sustanya ng lupa, pestem at sakit, mga kasanayan sa irigasyon, at post-harvest practices.
Ayon kay Regional Crop Protection Center (RCPC) Chief Cecille Manzanilla, ang epekto ng pagbabago ng panahon sa mga peste ay mabilis na paglaki ng populasyon ng mga ito, pagtaas ng resistensya sa pestisidyo, mas mataas na survival rate tuwing taglamig, pagkalat ng peste patungo sa mas malamig na klima, at mas malaking pinsala ng mga peste sa mga tanim.
Nagbahagi naman si Guinayangan Municipal Agriculture Officer Belina Rosales sa magandang epekto ng AMIA Villages sa kanilang bayan. Aniya, umunlad ang negosyo ng mga magsasaka dahil sa teknikal na supporta, mga interbensyon tulad ng coffee processing center, libreng binhi, Solar-Powered Irrigation System (SPIS), at market linkages na ibinigay ng DA-4A AMIA.
Dinaluhan rin ni OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Marcos Aves, Sr., OIC-Field Operations Division Chief Engr. Redelliza Gruezo, Agribusiness and Marketing Assistance (AMAD) Division Chief Editha Salvosa, Planning, Monitoring, and Evaluation Division (PMED) Chief Maria Ella Cecilla Obligado, Regulatory Division Chief Dr. Linda Lucela at Integrated Laboratory Division (ILD) and Regional Animal Feed Laboratory (RAFL) Chief Eleanor De Jesus ang nasabing aktibidad. #### (Ma. Betina Andrea P. Perez)