Isinulat ni Jasp Daquigan
Mga Larawan, Kuha nina Jasper Daquigan at Bryan Arcilla
Dinagsa ng mga mamimili ang isinagawang TienDA sa CALABARZON ng Kagawaran ng Pagsasaka na ginanap sa Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center (STIARC) sa Maraouy, Lipa City, Batangas noong Pebrero 27-28, 2018.
Dinaluhan ng may halos 30 kooperatiba at samahan ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang lalawigan ng CALABARZON ang TienDA, sa kanilang pakikipagtulungan sa Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng kagawaran.
Tindang murang bigas mula sa Rizal na nagkakahalaga ng P38 kada kilo ang isa sa mga dinagsa ng mga mamimili gayundin ang mga lowland, upland, at organikong gulay, itlog, at iba pang mga produktong agrikultural.
Mismong si Regional Executive Director Arnel V. de Mesa ay sumuporta at tumutok sa pagbebenta ng iba’t ibang produkto. Binigyang-diin din niya sa isang panayam ang kahalagahan ng direktang pagbili sa mga magsasaka ng kanilang mga ani.
Ayon naman kay Fidel L. Libao, Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) ng Batangas, isa sa mga magagandang dulot ng TienDA ay ang direktang pagbebenta ng mga magsasaka ng kanilang mga ani nang walang middle men. Bukod dito ay nakakatipid ang mga mamimili nang dahil sa murang presyo ng mga bilihin.
Ang TienDA ay proyekto ng kagawaran na isinasagawa sa iba’t ibang rehiyon ng bansa at ang TienDA sa CALABARZON ay isa lamang dito. Matatandaan na nagkaroon din ng TienDA sa Bureau of Plant Industry (BPI) Compound sa Quezon City, sa Laguna, at sa Malate, Manila.