« of 6 »

 

TINGNAN: Ipinarating ng mga magmamais mula sa Kilusan para sa Repormang Agrarya at Katarungang Panlipunan (KATARUNGAN) ng San Narciso, Quezon ang kanilang pasasalamat sa patuloy na paghahatid ng tulong ng Corn Program ng Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON.

Napagkalooban ng Kagawaran ang mga magmamais ng KATARUNGAN ng 20 bags ng hybrid flint corn seeds at 30 bags ng hybrid yellow corn seeds. Ang mga ito ay naani na nang nakaraang taon at nagdulot ng masaganang ani at mataas na kita na lubos na ipanagpapasalamat ng mga magsasaka ng mais sa San Narciso.

“Malaking tulong sa samahan ang mga natanggap namin mula sa Kagawaran. Maraming salamat po dahil hindi po kami pinapabayaan ng DA CALABARZON,” mensahe ng pasasalamat ni G. Jansept Hello Geronimo, Pambansang Tagapagsalita ng KATARUNGAN.

Noong Oktubre ay nagbigay din ang Kagawaran ng 40 bags ng hybrid white corn flint ang mga magmamais ng San Narciso. Samantala, noong nakaraang buwan naman ay nabigyang muli ang KATARUNGAN ng 40 bags ng hybrid flint corn seeds. Tinatayang nasa 70 magmamais mula sa apat na baranggay ng San Narciso ang nakinabang dito. Ang mga binhing ito ay inaasahang muling magbibigay ng masaganang ani at mataas na kita sa kanila sa darating na anihan sa Marso.

Bukod pa rito, karagdagang 80 bags ng complete fertilizer at 80 bags ng hybrid yellow corn seeds ang nakalaan sa samahan sa ilalim ng Regional Corn Seed Assistance Program ng Kagawaran, na inaasahang matatanggap ng mga magmamais ng KATARUNGAN ngayong taon.

[Mga Larawan mula kay G. Jansept Hello Geronimo]