TINGNAN: Isang hauling truck na nagkakahalaga ng P1.4 milyon ang ipinagkaloob ng Kagawaran ng Pagsasaka (DA) Rehiyon 4-CALABARZON, sa pamamagitan ng High Value Crops Development Program (HVCDP), sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng Rizal (OPA-Rizal) noong ika-5 ng Pebrero, 2021 sa Tanggapan ng Kagawaran sa Lipa City, Batangas.
“Mapapadali po ang pagpapadala namin ng mga ani at produkto sa merkado dahil sa hauling truck na ito; kaya maraming salamat po, DA,” sinabi ni G. Aldrin Albos, Provincial Coordinator ng HVCDP, na siyang kinatawan ng OPA-Rizal upang tumanggap ng naturang sasakyan.
Ayon pa kay G. Albos, nasa 14 na grupo ng mga magsasaka na kasapi ng Samahan ng Industriya sa Paggugulayan (SIPAG) sa lalawigan ang matutulungang mas kumita ng dahil sa pagkakaroon ng hauling truck; at sila ring nakikibahagi sa proyektong KAtuwang sa DIwa at GaWA ni Ani at Kita ng Kagawaran ng Pagsasaka.
Kada linggo ay nasa 1.2 toneladang talong, 300 kilong sitaw, kalabasa, at iba pang gulay ang isinusuplay ng SIPAG-Rizal sa Organic Options, isang marketing and distribution company.
“Noong nakaraang taon po ay kumita ang ating mga magsasaka ng 500 libong piso nang dahil sa pagsusuplay sa Organic Options na nagdadala naman ng ating mga ani at produkto sa mga mall sa Metro Manila,” dagdag pa ni G. Albos.
Ang Kagawaran ay nagkaloob na rin noon ng ilang production inputs tulad ng mga binhi at multi-tiller sa OPA-Rizal para sa tuluy-tuloy na produksyon ng gulay sa technology demonstration farm nito.