TINGNAN: Namahagi ang Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON ng 60 sentinel pigs na nagkakahalaga ng P480,000 sa 12 magbababoy na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) mula sa mga bayan ng Cuenca at Nasugbu sa lalawigan ng Batangas, noong ika-9 ng Marso, 2021.
Sa pagtutulungan ng Regional Livestock Program ng Kagawaran at ng International Training Center on Pig Husbandry (ITCPH), nakatanggap ng tig-limang hog starter feeds at tig-15 hog grower feeds ang pitong magbababoy sa Cuenca at limang magbababoy sa Nasugbu. Ang programang ito ay naglalayong buhayin at palakasing muli ang industriya ng pagbababuyan sa rehiyon.
Ang paglalagay ng sentinel pigs ay isa sa 4S ng programang Bantay ASF sa Baranggay (BABay ASF) ng Kagawaran ng Pagsasaka. Layunin nitong matukoy sa pamamagitan ng pagpapalaki ng ilang mga baboy kung mayroon pa bang presensya ng bayrus sa mga kulungan.
Sa ilalim ng mga alituntunin na inilatag ng National Livestock Program, magkakaroon ng lingguhang pagsubaybay sa mga lugar na lalagyan ng sentinel pigs upang maobserbahan ang kalagayan ng mga baboy. Magkakaroon din ng ilang pagsusuri sa mga baboy. Kung ang mga kulungan at sentinel pigs ay mag-negatibo sa mga pagsusuring ito, maaari na silang magparami na muli ng mga alagang baboy.
[Mga Larawan mula kay Bb. Jacqueline G. Sunga at sa ITCPH Facebook Page]