TINGNAN: Pinangunahan ng Kalihim ng Kagawaran ng Pagsasaka William D. Dar, kasama ang Regional Field Office IV-CALABARZON na pinamumunuan ni OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan, ang pagsalubong sa 1,350 buhay na baboy sa Talao-Talao Port, Lucena City, Quezon noong ika-16 ng Pebrero 2021, na mula sa General Santos City, South Cotabato.
Ang mga nasabing baboy ay iluluwas sa Kalakhang Maynila bilang bahagi ng pagsisiguro ng Kagawaran sa tuluy-tuloy na pagsusuplay ng pagkain sa merkado; gayundin na matulungang kumita ang mga magbababoy kasabay ng pagtitiyak ng abot-kayang suplay sa mga konsyumer.
Sa isang panayam ay sinabi ni Kalihim Dar na ang mga mamimili ay makakasiguro na ang presyo ng mga produktong baboy ay alinsunod sa Executive Order No. 124 na nagtatakda ng price ceiling.
Samantala, siniguro ng Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON, katuwang ang Bureau of Animal Industry, na ang paglapag/pagdaan ng mga baboy sa rehiyon ay naisaayos nang hindi nasasakripisyo ang mga quarantine protocol.
Ang pagbabiyahe sa mga baboy mula SOCCSKSARGEN ay saklaw ng “special hog lanes” kabilang ang “roll-on, roll-off” at mga ruta ng truck.