« of 12 »

 

TINGNAN: Tinatayang nasa 890 magbababoy na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF) mula sa mga lalawigan ng Quezon at Cavite ang nakatanggap ng bayad-pinsala mula sa Kagawaran ng Pagsasaka sa CALABARZON na nagkakahalaga ng P20.410 milyon, noong ika-10 hanggang ika-12 ng Marso, 2021.

Ang mga magbababoy ay nakatanggap ng tig-P5,000 sa kada baboy na kanilang isinuko sa Kagawaran. Ang pagbabayad na ito ay naglalayong mabigyan ng pagkakataon ang mga magsasaka na makabangong muli matapos silang mapinsala ng ASF.

Ayon kay Regional Livestock Program Coordinator Dr. Jerome G. Cuasay, ang programang ito ay makakatulong upang mapalakas muli ang pag-aalaga ng baboy sa rehiyon. “Ang Kagawaran ay namamahagi rin ng iba’t ibang alternative livelihood programs para sa mga naapektuhan ng ASF gaya ng baka, kalabaw, kambing, broiler at free-range chicken, quail, at mushroom production modules,” dagdag pa ni Dr. Cuasay.

Ang mga nakatanggap ngayong ikalawang linggo ng Marso ay mga magbababoy mula sa mga bayan ng San Francisco, General Luna, Macalelon, Pitogo, Mauban, at Pagbilao sa Quezon at mga munisipalidad ng Magallanes at Alfonso sa Cavite. Sa mga susunod na araw ay nakatakdang mamahagi ang Kagawaran ng bayad-pinsala sa ilan pang bayan sa bawat probinsya sa CALABARZON.

[Mga Larawan mula kay Bb. Dayann Alcala ng Livestock Program at sa DA APCO-Quezon Facebook Page]