« of 6 »

 

TINGNAN: Tuluy-tuloy ang pagdadala ng Chef José Consortium of Cooperatives, na binubuo ng Batangas Egg Producers’ Cooperative, San Jose Workers’ Multi-Purpose Cooperative, at Batangas Organic and Natural Farming Agriculture Cooperative, ng mga suplay ng gulay, prutas, itlog, manok, at iba pang produktong pang-agrikultura na mula sa CALABARZON sa ilang bahagi ng Kalakhang Maynila.

Nasa halos dalawang toneladang suplay ng pagkain ang iniluwas ng mga nasabing kooperatiba ngayong ika-5 ng Pebrero, 2021 sa mga pamilihan tulad ng Waltermart North Edsa; FarmFetch Restaurant sa Katipunan, Quezon City; Waltermart Makati; at Makati Atrium sa pamamagitan ng proyektong KAtuwang sa DIwa at GaWA (KADIWA) ni Ani at Kita ng Kagawaran ng Pagsasaka. Ang ganitong aktibidad ay kanilang isinasagawa tuwing Biyernes.

Bukod pa rito, nagdadala rin ang Chef José ng kanilang mga ani at produkto sa Philippine Daily Inquirer, Tech Green sa Parañaque, at All Seasons sa Molino. Mayroon din itong online marketplace (www.yourchefjose.com) kung saan maaaring direktang mamili ang sinumang interesado.

Ayon sa kanilang chairperson na si Gng. Cecille Aldueza-Virtucio, ang Chef José ay katuwang ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon 4-CALABARZON na nagsisilbing hub kung saan pinagsasama-sama ang mga ani at produkto na mula sa halos 700 miyembro ng samahan upang maging bahagi ng KADIWA. Dagdag pa niya, sa pamamagitan ng pagtutulungang ito ay napapataas ang market value ng kanilang mga produkto na nagreresulta sa mas mataas na kita ng mga magsasaka at mas stable na presyo para sa mga mamimili.

“Sapat at sigurado po ang suplay ng pagkain sa CALABARZON. Makakatiyak kayo na sa pagtutulungan po namin na mga magsasaka ay patuloy kaming magdadala ng pagkain sa Metro Manila nang makatulong na maging sapat ang suplay ng pagkain para sa lahat,” wika ni Gng. Virtucio.

Maliban sa mga lowland at highland vegetable, prutas, manok, at ilog, nagtitinda rin ang Chef José ng mga grocery item, baking product, kape, asukal, at ilang manufactured product gaya ng turmeric tea, sinaing na isda, at iba pa hindi lamang sa Kalakhang Maynila kundi maging sa ilang bahagi ng CALABARZON.