Trademark para sa mga teknolohiya na pagmamay-ari ng DA-4A, isinusulong
Aabot sa 33 bilang ng umiiral na teknolohiya ukol sa produksyon at pagpoproseso ng mga prayoridad na commodity at sistema ng pagsasaka ang pagmamay-ari ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A).
Upang protektahan at bigyan ito ng pagkakakilanlan, isinusulong ng Kagawaran ang aplikasyon ng trademark para sa Accelerated Research-based Agribusiness for New and Growing agripreneurs through Knowledgeable, Aggressive and Dynamic Approach Technology Business Incubation (ARANGKADA TBI) CALABARZON program.
Ang ARANGKADA TBI CALABARZON ay programa ng DA-4A na nakatuon sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng mga teknolohiyang bunga ng pananaliksik at nakatutulong sa pagpapataas ng produksyon at kita ng mga magsasaka.
Katuwang ang tanggapan ni Assistant Secretary for High Value Crops, Sagip Saka, and Intellectual Property (IP) Atty. Joycel Panlilio, isang pagpupulong ang isinagawa upang talakayin ang mga hakbang at karapatan ng Kagawaran sa pag-angkin ng mga konsepto ng teknolohiya. Gayundin ang angkop na pagbabahagi nito sa iba.
Ayon kay IP Focal Darwin Alejandrino, kinakailangang ingatan at protektahan ang mga teknolohiya na masusing sinaliksik upang magamit at mas mapagbuti pa ito ng susunod na henerasyon sa larangan ng agrikultura.
#### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)