Ibinida ni Secretary William D. Dar ng Department of Agriculture (DA) ang Sariaya Agricultural Trading Center at ang African Swine Fever (ASF)-free status ng anim na lokal na pamahalaan sa Batangas sa kaniyang State of Philippine Agriculture noong ika-4 ng Agosto.
Ipinagmalaki ni Secretary Dar ang mga proyektong napagtagumpayan ng DA noong nagdaang dalawang taon ng kaniyang paninilbihan bilang kalihim ng Kagawaran.
Ayon kay kaniya, tuluy-tuloy ang implementasyon ng mga programa gaya ng pamamahagi ng mga interbensyon, pagpapatayo ng mga imprastrakturang pang-agrikultura, at pagdaraos ng mga pagsasanay na makakatulong sa mga magsasaka na makamit ang masaganang ani at mataas na kita, higit lalo sa panahong ito na humaharap ang sektor ng agrikultura sa iba’t ibang suliranin gaya ng mga kalamidad, sakit ng mga alagang hayop, at pandemya.
Si Secretary Dar, sampu ng DA undersecretaries, regional executive directors, at key officials, ay nangako na magpapatuloy sa tulong-tulong na paggawa at pagpapatupad ng mga inisyatibo upang matulungan ang mga magsasaka na makamit ang masaganang ani at mataas na kita.
Kasabay ding nangako ang mga opisyal ng DA CALABARZON, sa pangunguna ni OIC-Regional Executive Director Vilma M. Dimaculangan.
“Kami po ay kaisa ni Secretary William Dar at ng DA sa patuloy na pag-iisip at pagsasagawa ng mga programang tiyak na magiging kapaki-pakinabang sa ating mga magsasaka,” ani Director Dimaculangan. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)