Upang mas maging maayos at mabilis ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa pagpapautang ng Kagawaran ng Pagsasaka sa rehiyon ng CALABARZON, binuo sa pangunguna ni Regional Director Arnel V. de Mesa noong Marso 12, 2019 ang Regional Loan Facilitation Team (LoFT), kasabay ng oryentasyon tungkol sa iba’t ibang paraan ng paghiram ng pera sa Agricultural Credit Policy Council (ACPC) at iba pang ahensya ng Kagawaran.
Ang nasabing Regional LoFT ay pangungunahan ni Assistant Regional Director for Operations Enrique H. Layola.
Sinabi ni Director de Mesa, “Tamang-tama ang pagsasagawa ng oryentasyong ito dahil tiyak na mas maraming magsasaka ang mangangailangan ng tulong pinansyal dahil sa el niño sapagkat inaasahang aabot sa apat na buwan ang tagtuyot. Ang pinakamabilis na paraan na maaari nating maitulong sa mga magsasaka at mangingisda na maaapektuhan nito ay makapagbigay tayo ng ayuda nang mabilis o easy access na serbisyo, na kagaya ng pagpapautang na walang collateral at may mababang interes.”
Ibinahagi naman ni Emmalyn J. Guinto, Hepe ng Public Affairs and Communication Division ng ACPC, ang mga pangunahing programa sa pagpapahiram ng pera ng ACPC para sa mga magsasaka at mangingisda. Ito ay ang Production Loan Easy Access (PLEA), SUrvival and REcovery (SURE) Loan, Agriculture and Fisheries Machinery and Equipment (AFME) Loan, at Working Capital Loan Easy Access (CLEA).
Pinag-usapan din sa pagpupulong ang tungkol sa Agricultural Competitiveness Enhancement Fund (ACEF) at ang tungkulin ng Philippine Crop Insurance Corporation na kung saan ang mga magsasaka na uutang ay mabibiyayaan din ng libreng insurance.
Nakiisa sa pagpupulong ang mga opisyal mula sa National Irrigation Administration (NIA), Agricultural Training Institute (ATI), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Philippine Coconut Authority (PCA), at mga Agricultural Program Coordinating Office (APCOs) ng CALABARZON. • NRB