Nasa P22 milyon ang halaga ng ipinagkaloob na apat na biosecured at climate-controlled finisher operation facility mula sa Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) Program ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) sa ginanap na Turnover Ceremony noong ika-16 ng Disyembre sa Dolores, Quezon.
Apat na samahan ng mga magbababoy ang kauna-unahang tumanggap nito sa bayan ng Dolores. Sila ay ang Pinagdanlayan Multipurpose Cooperative, Dolores Development Cooperative, Pinagdanlayan Farmers Association, Inc., at Barangay Antonino Swine Farmers Association.
Sa bawat lugar na tinungo ng mga kawani ng DA-4A Livestock Program at Regional Agricultural Engineering Division (RAED) ay nagsagawa rin ng paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) na sinaksihan ng mga kinatawan ng lokal na pamahalaan mula sa tanggapan ni Quezon Governor Angelina Tan, Dolores Municipal Mayor Orlan Calayag, Municipal Agriculturist Eldrin Rubico, at Agricultural Program Coordinating Officer (APCO) para sa Quezon Rolly Cuasay.
Ayon kay Provincial Veterinarian Dr. Flomella Caguicla, ang bayan ng Dolores ang ikalima sa may pinakamaraming produksyon ng baboy sa buong Quezon na karamihan ay backyard kung kaya malaking tulong ang pagtatayo ng pasilidad na aniya ay nagsisilbing tila maliit na commercial farm.
Si Lorenzo Bautista na pangulo ng Pinagdanlayan Farmers Association, Inc. ay abot-kamay ang pasasalamat sa bawat isang bumubuo ng proyekto. Aniya, hindi sila tinigilan ng Municipal Agriculture Office (MAO) na hikayating mag-asikaso ng lahat ng mga kailangang ayusin kaya ngayon ay mas malakas ang kanilang loob na lumapit sa kagawaran na agad din namang tumutugon. #### (βπ»πΈDanica Daluz)