Nagsagawa ang Department of Agriculture IV-Calabarzon (DA-4A) ng pagsasanay tungkol sa urban gardening noong ika-28 ng Pebrero, 2024, sa Lipa City, Batangas. Ito ay dinaluhan ng mga magsasaka at mga kinatawan ng lokal na pamahalaan mula sa mga lungsod San Pablo, Calamba, at San Pedro sa Laguna, at Batangas, Lipa, Sto. Tomas sa Batangas.
Bahagi ito ng National Urban and Peri-Urban Agriculture Program (NUPAP), na naglalayong hikayatin ang mga barangay, paaralan, subdivisions, religious groups, at military groups na magtanim ng gulay at prutas sa anumang bakanteng lote o espasyo sa kanilang mga komunidad.
Sa pagsasanay, binigyang-diin ang kahalagahan ng tamang pamamahala sa peste at sakit, pati na rin ang pagpapatupad ng Good Agricultural Practices (GAP) sa urban farming.
Ayon kay Maricris Ite, ang NUPAP Regional Focal Person, ang inisyatibong ito, kung mas mapapalawak, ay magbibigay-daan sa pagtaas ng produksyon ng prutas at gulay, maging ang pagkakaroon ng sapat na suplay para sa konsumo ng bawat pamilyang Pilipino.
Nagpahayag ng positibong pagtanggap si Emerito Dayo, isang guro, sa pagpapatupad ng naturang programang. Aniya, nagbigay ito ng inspirasyon upang muling yakapin ang pagsasaka. Sa kabilang banda, nagpahayag din ng pasasalamat si Elizer Capuno, isang dating OFW, sa kagawaran para sa ganitong uri ng programa at umaasa sa karagdagang pagsasanay para sa mga baguhan sa paghahalaman.
Ang pagsasanay ay dinaluhan din ng iba pang kawani mula sa DA Calabarzon, kabilang ang mga miyembro ng NUPAP, Regional Crop and Protection Center (RCPC), at Regulatory Division, na nagpapakita ng malakas na suporta at komitment ng kagawaran sa pagpapalakas ng urban agriculture sa rehiyon. ####(Bryan E. Katigbak, DA-4A RAFIS)