Usapang pangkaunlaran ginanap sa STIARC
Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Cristy Tolentino
Tatlong magkakaibang pagpupulong ang ginanap sa Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center (STIARC), Marawoy, Lipa City, Batangas noong Pebrero 15, 2018 na naglalayong pausbungin ang sakahan dito sa CALABARZON.
Ang una ay ang “Technical Briefing on Strategies on Implementation of Corn Program” na dinaluhan ng may 150 katao kabilang na ang mga magsasaka ng mais na kasapi sa mga samahan o kooperatiba, mga Municipal Agriculturist (MAs) ng lokal na pamahalaan, at mga Agricultural Program Coordinating Officer (APCOs) ng buong CALABARZON.
Ayon kay Avelita M. Rosales, Regional Corn Program Coordinator, “magandang pagkakataon ito upang ipaliwanag sa inyo (mga nagsipagdalo) ang inyong responsibilidad o obligasyon lalo na sa lahat ng mga kagamitang pangsaka na ipinagkakaloob sa inyo ng kagawaran.”
Idinagdag pa niya na sa pamamagitan ng naturang aktibidad ay mas lalo pang mapapaigting ang magandang samahan sa pagitan ng kagawaran at ng lokal na pamahalaan upang dagliang maisulong ang hangaring lalong mapaunlad ang produksyon ng mais sa rehiyon.
Sa nasabing pagpupulong ay nagkaroon ng pagkakataong maipaliwanag sa mga magsasaka ang mga tamang proseso o dokumento na kailangan upang makakuha ng tulong mula sa kagawaran.
Samantala, ang pangalawang pagpupulong ay ginanap naman sa Lipa Agricultural Research and Experiment Station (LARES) Conference Room, STIARC Cmpd., na may titulong “Harmonization and Integration of Research, Regulatory, and Integrated Laboratory Programs and Projects Implementation.” Ito ay isa ring pagkakataon upang lubusang alamin ng bagong talagang Assistant Regional Director (ARD) for Research and Regulations, Engr. Elmer T. Ferry ang mahahalagang aktibidad sa ilalim ng research at regulation na kaniyang pinamumunuan.
Ayong kay ARD Ferry, “isang hamon sa aking kakayahan ang pamunuan ang isang napakahalagang gawain ng kagawaran.”
Dinaluhan ang nasabing pagpupulong ng mga kawani at opisyal mula sa research at regulatory.
Ang pangatlong kaganapan ay tungkol sa “Farm Entrepreneurship and Financial Literacy.” Ito naman ay dinaluhan ng may 40 katao na kinabibilangan ng mga Community-based Participatory Action Research (CPAR) Farmer-Cooperator, mga project implementer mula sa CALABARZON, at mga researcher ng kagawaran.
Ang naging tagapagsalita dito ay si Virgilio T. Villancio mula sa Unibersidad ng Pilipinas Los Baños. Ito ay naglalayong maturuan at maisakatuparan ang tamang pag-iingat ng kanilang puhunan at kinita sa kanilang pagsasaka.