Binisita ng mga kinatawan ng World Bank ang mga proyektong pangnegosyo na pinondohan ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP) sa Amadeo, Cavite at Luisiana, Laguna.
Ito ay bahagi ng taunang Implementation Support Mission ng World Bank sa DA-PRDP upang makita ang mga naging epekto at benepisyo nito sa sektor ng agrikultura at pamumuhay ng mga magsasaka.
Ang mga binisitang proyekto ay ang Cavite Coffee Processing and Trading na may halagang Php 15,914,830.88 at ang Luisiana Tablea Factory na nagkakahalaga ng Php 8,522,462.14.
Kasama ang mga FCAs na may hawak ng mga proyekto, ang Café Amadeo Development Cooperative (CADC) at Luisiana Cacao Grower Producer’s Cooperative (LCGPC), inikot ng World Bank ang mga pasilidad para sa pagproproseso ng kape at cacao.
Tinalakay din ng World Bank at mga FCAs ang operasyon at mga plano upang mapanatili at mapalakas pa ang mga negosyo at produksyon ng kape at cacao sa kanilang lokalidad.
Binigyang pugay ng World Bank ang CADC sa kanilang financial management, aktibong partisipasyon ng mga miyembro, at kakayahang masuportahan ang sariling operasyon. Samantala, inihayag naman ng World Bank na malaki ang potensyal ng negosyong tablea processing ng LCGPC upang palakasin pa ang industriya ng cacao hindi lang sa Luisiana, kundi pati na rin sa rehiyon ng CALABARZON.
“It’s a very beautiful thing to see what you have here and what you have done so far with what the PRDP has provided. Now, we want to look into the big picture since the PRDP is scaling-up,” bahagi ni G. Jim Hancock, Natural Resources Management Officer ng Food and Agriculture Organization.