Binigyang papuri ng mga kinatawan ng World Bank ang Café Amadeo Development Cooperative sa kanilang proyektong Cavite Coffee Processing and Trading na pinondohan sa ilalim ng Department of Agriculture – Philippine Rural Development Project (DA-PRDP). Ito ay matapos nilang bisitahin ang nasabing proyekto upang talakayin ang operasyon at pamamahalang ginagawa ng samahan at mga katuwang nito tungo sa pagpapaunlad ng proyekto at industriya ng kape sa Amadeo.

Pinangunahan ng kooperatiba at ng DA-PRDP Regional Project Coordination Office Calabarzon (DA-PRDP 4A) ang pagpapakita sa mga delegado ng World Bank sa coffee processing facility ng proyekto at ang proseso sa paggawa ng blended coffee. Nagkaroon din ng malalim na diskusyon tungkol sa iba’t-ibang aspeto ng proyekto at value chain ng kape sa bansa. Dito ay pinagtuunan ng pansin ang pagtutulungan ng DA-PRDP, DA-4A, LGU, at ng kooperatiba sa mga sumusunod: pagpapalago ng kaalaman at kasanayan ng mga magkakape sa pagmamagitan ng teknikal na paggabay, patuloy na pagbibigay ng mga gamit para sa produksyon, gabay sa mga polisiya sa land conversion, enterprise diversification, at ang pagpapataas ng coffee production area sa bayan ng Amadeo. Samantala, nagbigay din ang mga delegado ng mga payo at magagandang pamamaraan na ginagawa sa kani-kanilang mga bansa na maaaring maisagawa rin sa kasalukuyang proyekto.

Ayon sa World Bank, ang Cavite Coffee Processing and Trading ay isa sa mga pinaka-matagumpay na proyekto ng DA-PRDP sa bansa. Layon nitong buhayin at palaguin pa ang industriya ng kape sa Amadeo na isa sa mga pangunahing kabuhayan ng mga lokal. Matapos ang ilang taon, patuloy na naaabot ng kooperatiba ang mga itinakda nitong layunin na pagpapataas ng kita ng mga magkakape, produksyon ng blended coffee, paghikayat ng mga bagong miyembro, at pagbibigay trabaho sa komunidad. Isa sa ipinagmamalaki ng kooperatiba ay ang naipatayong coffee shop na nagkakahalaga ng Php 5 M mula sa kanilang kita.

Binati ni World Bank Co-Task Team Leader Maria Theresa Quiñones ang kooperatiba at ang DA-PRDP sa kanilang tagumpay. Aniya, maituturing na isang modelo ang proyekto at ang tagumpay nito ay tanda ng tiwala at pagtutulungan ng World Bank, DA, at ng kooperatiba na paunlarin ang buhay ng mga magkakape at palakasin ang industriya.

 

Pinasalamatan ni DA-PRDP 4A Project Director Engr. Redelliza Gruezo ang World Bank sa pagkilala sa proyekto. Aniya, patuloy ang DA-PRDP 4A sa pakikipagtulungan nito sa DA-4A, kooperatiba, at LGU sa pagpapaunlad at pagpapalakas ng proyekto. Dagdag pa niya, magpapatuloy din ang DA-PRDP 4A sa paghahanap at paggamit ng mga akma at makabagong pamamaraan at hakbang tungo sa pag-unlad ng sektor ng agrikultura at isdaan sa rehiyon. Kasama rin sa aktibidad sina DA-PRDP National Deputy Project Director Angelita Martir, DA-PRDP National I-REAP Component Head Leny Pecson, DA- 4A Regional Executive Director Fidel Libao, Amadeo Mayor Redel John Dionisio, Provincial Government of Cavite, at Amadeo Municipal Agriculturist Celsa Honrada.#