YFC Program Awardees dumalo sa Business Planning Workshop na isinulong ng DA-4A
Dumalo ang 23 Young Farmers Challenge (YFC) Program Awardees sa ginanap na apat na araw na Business Planning Workshop sa Boy Scouts of the Philippines Makiling, Los Baños, Laguna, noong ika-1 hanggang ika-4 ng Oktubre.
Ang naturang aktibidad ay pinangunahan ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) na layon maging handa ang mga kalahok na nagnanais na sumali sa YFC UPSCALE Component.
Ang component na ito ay nais suportahan ang YFC Awardees sa pagbuo at pagpapalawak ng kanilang negosyo sa pamamagitan ng pagbibigay ng karagdagang kapital sa paraan ng competitive financial grant assistance. Ito rin ay parte ng mandato ng Department of Agriculture sa ilalim ng Agriculture and Fisheries Modernization Act of 1997, kung saan hinihikayat ang mga kabataan na makilahok sa mga programang pang-agrikultura at agribusiness.
Sa unang tatlong araw ng Business Planning Workshop, tinalakay ng Regional Program Management Team (RPMT) ang mga bahagi at kahalagahan ng business plan sa pagkakaroon at pagpapatupad ng epektibong mga operasyon, at estratehiya sa financial at marketing. Ito ay kinakailangan upang mapanatiling matatag, at ligtas sa potensiyal na panganib ang kanilang mga agri-fishery enterprises.
Sa huling araw ng workshop, nagkaroon ng presentasyon ng mga nabuong business plan ang bawat kalahok na binigyan ng komento at suhestiyon ng RPMT. Ito ay upang maging mas organisado ang mga isusumiteng business plan sa ika-15 ng Oktubre.
Kaugnay nito, ipinarating ni DA-4A OIC-Regional Technical Director for Operations and Extension Engr. Redelliza Gruezo ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga kabataan sa pagpapatuloy ng maunlad na agrikultura at ekonomiya ng ating bansa.#### (Carla Monic A. Basister, DA-4A RAFIS)