Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez

Upang matugunan ang layuning mapataas ang produksyon ng palay, maabot ang mga magsasakang nasa mga liblib na kanayunan, at malawakang maibahagi sa kanila ang mga ayuda na nakapaloob sa programa ng pagpapalayan, isinagawa ang Regional Rice Program Seed Component Assessment and Planning Workshop ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON noong Agosto 23 – 24, 2018 sa Los Baños, Laguna.

“Tayo bilang mga nasa CALABARZON ay dapat na magpatuloy sa adhikaing mapataas ang ani at makatulong upang makamit ang kasapatan ng bigas at iba pang mga produktong pang-agrikultura,” pagbibigay-diin ni Regional Executive Director Arnel V. de Mesa ng Kagawaran.

Ang workshop ay pinangunahan nina Engr. Enrique H. Layola, Regional Coordinator ng Rice Program, at mga kasama. Ito ay dinaluhan ng mga agricultural program coordinating officer (APCOs) at bawat rice coordinator ng mga tanggapan ng panlalawigang agrikultor sa rehiyon.