« of 25 »

Magra Nutri Foods Corp. at Amazing Foods Corp., nakibahagi sa MAFBEX 2018
Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez

Sa tulong ng Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON ay nakibahagi ang Magra Nutri Foods Corp. at Amazing Foods Corp. na kapwa mga exhibitor mula sa rehiyon, sa ika-12 Manila Foods and Beverages Expo (MAFBEX) na ginanap mula Hunyo 13 hanggang 17, 2018 sa World Trade Center, Pasay City.

Sa temang “Ultimate Foodventure,” ang MAFBEX sa taong ito ay naglalayong ipamalas ang mga natatangi at bagong pagkain at inumin sa pandaigdigang merkado. Ito ay naisakatuparan sa pamamagitan ng MAFBEX Events Management, isang sangay ng Worldbex Services International, at sa pakikipagtulungan sa Young Hoteliers Exposition (YHE), Organization of Bar Professionals (OBP), at mga ahensya ng pamahalaan sa Pilipinas tulad ng Kagawaran ng Pagsasaka.

Ito ay taunang dinadaluhan at sinusuportahan maging ng iba’t ibang mga grupo ng mga magsasaka at mangingisda, at mga maliliit at malalaking negosyante sa buong bansa, tulad ng Magra Nutri Foods Corp. at Amazing Foods Corp.

Kilala sa pagtatanim ng puno ng mulberry at pagpoproseso ng mga bunga nito ang Magra Nutri Foods Corp. na pag-aari ni Juanita C. Mansana. Ang mga produkto nila ay mulberry fruits, juice, jam, tea, at wine. Ang tanggapan nila ay matatagpuan sa 8th Floor PDCP Bank Center, V.A. Rufino, panukulan ng LP Leviste St., Salcedo Village, Makati City. Maaaring makipag-ugnayan sa kanila sa telepono bilang 02 812 4636 o 0917 868 5970 at email address na magranutrifoods@gmail.com.

Samantala, ang Amazing Foods Corp. ay may produktong 100 porsyento at organikong virgin coconut oil (VCO), sabong VCO na may sangkap na papaya-avocado, at iba pa. Ang kanilang Marketing Officer ay si Helen Grace G. Acuyan na ang tanggapan naman ay matatagpuan sa 124 SM Bagong Pook, Sta Maria, Laguna. Para sa anumang katanungan, tumawag sa (02) 850 0000 o 0928 280 9473, bisitahin ang website na amazingfoodscorp.com, at mag-email sa inquiry@ amazingfoodscorp.com.

Nakibahagi rin sa MAFBEX ang Delfa’s Food Products, Inc., Santa Maria 100% Virgin Coconut Oil, at L’Amor.