Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Naitayo na ang cacao processing center sa Brgy. Camagong, Alabat, Quezon na nagkakahalaga ng P2-milyon, sa pangunguna ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON at sa pakikipagtulungan sa Pamahalaang Pambayan ng Alabat.
Sinabi ni Engr. Redelliza A. Gruezo, Regional HVCDP Coordinator, na siya ay nagpapasalamat at nagagalak sa pamahalaang pambayan ng Alabat sa patuloy nitong tulong at suporta sa pagpapatupad ng mga programa ng Kagawaran lalo na bilang katuwang ng programang kaniyang pinamumunuan sa pagpapagawa ng naturang cacao processing center.
Inaasahang ganap na mapapatakbo ang processing center sa Hunyo o Hulyo.
Bilang dito ipoproseso ang cacao beans, magsisilbi rin itong trading post kung saan maaaring mamili ang mga mamimili ng mga hilaw at proseso nang mga kakaw at ang mga magsasaka na magbenta ng cacao beans.
Ang Alabat Cacao Growers’ Association na benepisyaryo ng processing center ay binubuo ng 226 miyembro at sila ay mayroong 230 ektaryang lupa na natatamnan ng 15,000 puno ng kakaw. At sa kanilang tala, ang bawat puno ay umaani ng isang kilong cacao beans bawat taon na sasapat sa pangangailangan ng processing center.
Sila ay pinagkalooban din ng Kagawaran ng mga butong pananim at seedling, abono, at kagamitang pansaka; at suportado pagdating sa pagbebenta ng kanilang mga magiging produkto at sa pagsasagawa ng mga pagsasanay ukol sa kakaw.
Sa ngayon ay isinasagawa ang installation ng mga kagamitan sa processing center na nagkakahalaga ng P2.4-milyon.