« of 10 »

Dalawang kooperatiba sa Rizal, na ang pangunahing produkto ay gatas, ang sumailalim sa business enterprise assessment na isinagawa ng Department of Agriculture IV-CALABARZON (DA-4A) noong ika-12 ng Agosto.

Ang nasabing assessment ay isa sa mga aktibidad ng Bayanihan Agriculture Cluster (BAC) Program sa ilalim OneDA 18 Key Strategies.

Layunin ng BAC na pagsamahin sa iisang cluster ang magkakalapit at magkakaparehong produkto ng mga magsasaka, mangingisda, at naghahayupan upang makamit ang mas mataas na produksyon at kita.

Sa BAC, tulung-tulong ang mga miyembro ng cluster mula produksyon hanggang sa pagbebenta ng mga produkto. Paghahatian naman ng mga miyembro ang kanilang kita at maging mga interbensyon na ipinagkakaloob ng DA. Sa ganitong paraan ay walang miyembro ang maiiwan tungo sa pagkamit ng masaganang ani at mataas na kita.

Sa nasabing assessment, kinapanayam ng DA-4A ang mga miyembro ng board of directors ng Llano Farmers’ Multi-Purpose Cooperative (Cluster 1) at Jala-jala Farmers’ Marketing Cooperative (Cluster 2) tungkol sa kakayahan ng mga pinuno at miyembro, mga hakbang sa pagpoproseso ng mga produkto, dami ng mga napoprodyus at naibebentang produkto, lagay ng mga kagamitan, pasilidad at mga alagang kalabaw at baka, at kanilang estratehiya sa pagpapataas ng kita.

Layunin ng assessment na ito na masuri ang kabuoang kalagayan ng cluster upang matukoy ang kanilang pangangailangan na kayang matugunan ng DA-4A sa pamamagitan ng BAC Program, gaya ng pamamahagi ng interbensyon, makinarya, at alagang hayop, pagpapatayo ng mga pasilidad, pagkakaloob ng loan facilities at financial grant, at pagsasagawa ng mga pagsasanay sa pamamahala ng samahan at paghahayupan.

“Very vital ang assessment na ito kasi kahit saan we need to know what and where we’re lacking para tulung-tulong nating malaman kung ano ang mai-improve. We will wait for the result of the assessment. Kung may kailangang baguhin, we will see what we can do,” ani Raul C. Castillo, chairperson ng Llano Farmers’ Multi-Purpose Cooperative.

Nagsagawa rin ng ganitong assessment ang DA-4A sa mga nag-aalaga ng katutubong manok sa Batangas noong Hunyo. Patuloy naman ang assessment sa iba pang DA-4A banner programs, at inaasahang matatapos ito sa Setyembre. #### (Reina Beatriz P. Peralta, DA-4A RAFIS)