Bilang pagsalubong sa selebrasyon ng 2024 National Women’s Month, binuksan ng Department of Agriculture Regional Office No. IV-A (DA Calabarzon) ang isang trade fair o KADIWA para sa mga kababaihan noong ika-11 ng Marso sa LARES Compound, Lipa City, Batangas.
Kalakip ang temang “Lipunang Patas sa Bagong Pilipinas: Kakayahan ng Kababaihan, Patutunayan,” layon ng KADIWA na mabigyan ng sapat na suporta ang mga kababaihang magsasaka sa rehiyon na maipakilala ang kanilang mga produkto sa mas malaking merkado.
Sampung samahan ng mga magsasaka ang nakilahok dito tampok ang Batangas City Rural Improvement Club Marketing Cooperative, The Rosario Livestock and Agriculture Farming Cooperative, L7 Livestock Agriculture Cooperative, First Nasugbu Farmers Irrigators Association, Reciprocal Farming, Agoncillo Rural Improvement Club Federation, Rural Improvement Club of Lipa, Cafe Amadeo Development Cooperative, Rootcrop Growers of Batangas Agriculture Cooperative, at Lipa Pasalubong Marketing Cooperative.
Pormal na pinasinayaan ang selebrasyon sa pamamagitan ng ribbon cutting na pinangunahan ni OIC-Regional Executive Director Fidel Libao na nag-iwan ng mensaheng, “pagpupugay para sa mga kababaihan lalo na sa ating mga magsasaka na nagtataguyod ng kani-kanilang pamilya. Dito sa agrikultura, lahat ng kasarian ay patas dahil lahat ng magsasaka na nagtatanim para sa seguridad ng pagkain ay itinuturing nating bayani.”
Buo naman ang pasasalamat ni Lisa Calumpang ng L7 Livestock Agriculture Cooperative na mahigit na sa isang taong nakakapagbenta ng kanilang ipinagmamalaking “fresh from farm to table” na karne mula sa bayan at sa iba pang lugar sa tulong ng KADIWA.
Samantala, ang KADIWA ay magpapatuloy pa rin tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes sa LARES Compound, Lipa City, Batangas. #### (Danica T. Daluz, DA-4A RAFIS)