Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Lahat ng mga magsasaka sa mga lalawigan ng CALABARZON ay sumailalim na sa pag-aaral patungkol sa produksyon ng pagkaing halal, gayundin sa Good Agricultural Practices (GAP), at Good Animal Husbandry Practices (GAHP) na pinamunuan ng Regulatory Division ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON para sa lalawigan ng Quezon noong Hunyo 26 – 27 sa Sta. Rosa City, Laguna.
“Napakalaki ng potensyal ng produktong Halal. Mayroon tayong mahigit labing-isang milyong kapatid na Muslim sa bansa na parokyano nito bukod pa sa pagkakataon na makapagluwas ng mga produkto sa Arab at Muslim countries na kabilang sa Association of Southeast Asian Nations o ASEAN,” paliwanag ni Rufina S. Sanidad, hepe ng Regulatory Division.
Ang mga pagkaing Halal ay angkop sa mga mamamayan at naaayon sa batas ng Shariah. Kasama rito ang pagdarasal, legalidad, pagkalehitimo, kalinisan, kaayusan, at iba pa, magmula sa kagamitan, pagkatay ng hayop at pagproseso ng produkto hanggang sa ito ay makarating sa mga mamimili.
Ang pagbibigay ng naturang pag-aaral ay alinsunod sa Batas Republika Bilang 10817 na nilagdaan noong 2016 na isinulong ni Kalihim Emmanuel F. Piñol. Ang Philippine Halal Export Development and Promotion Program ay isa na ngayong pangunahing programa (banner program) ng Kagawaran ng Pagsasaka.
Marami sa mga dumalo ang nagpakita ng kanilang kagustuhan na makakuha ng Halal certificate para sa kanilang mga produkto kagaya ng gumagawa ng suka at banana chips.
Ang mga naging tagapagturo sa nabanggit na pag-aaral ay sina Atty. Datubimban Pacasum Pangonotan, Jr., DA-Halal Project Management Staff; Dr. Sittie Maleah Fatima M. Macog, Meat Control Officer II ng National Meat Inspection Service; at Zaldy Calderon, Agriculturist II ng kagawaran.
Ang ganitong pag-aaral ay isinagawa na rin sa Laguna at sa Cavite noong Hunyo 5 – 6, sa Batangas noong Mayo 17 – 18, at sa lalawigan ng Rizal noong Mayo 15 – 16.