Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Dalawang magkasunod na pagsasanay ukol sa pagpapaunlad ng kakaw at kape ang isinagawa ng High Value Crops Development Program (HVCDP) ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON, sa pakikipagtulungan sa Tanggapan ng Panlalawigang Agrikultor ng Quezon noong Mayo 22 at 23, 2018.
Ang unang pagsasanay ay tungkol sa mga magagandang gawi sa pagtatanim ng kakaw (code of good agricultural practices for cacao), kaalinsabay ng pagpupulong ng Cacao Federation ng Quezon, na ginanap sa St. Jude Hotel, Lucena City. Ang nasabing pagsasanay ay dinaluhan ng nasa 80 magtatanim ng kakaw mula sa lalawigan.
Ang ikalawang pagsasanay naman na ginanap sa Lukong Valley, Pinagdanlayan, Dolores, Quezon ay tungkol sa rehabilitasyon at pagpapalakas ng matatandang punong kape (rehabilitation and rejuvenation of coffee) na dinaluhan ng mahigit 50 magtatanim ng kape sa nasabing bayan.
Ayon kay Regional HVCDP Coordinator Redelliza A. Gruezo, patuloy ang programang kaniyang pinamumunuan sa pagpunta sa mga bayan-bayan upang maghatid ng mga serye ng pagsasanay hindi lamang sa kape at kakaw, kundi pati na rin sa ibang mga high value crop gaya ng kalamansi, mangga, pinya, saging, gulay, at iba pa.
Para sa iba pang impormasyon tungkol sa mga pagsasanay na hatid ng HVCDP, maaaring tumawag sa (02) 928 3919.