Isinulat ni Amylyn Rey-Castro
Mga Larawan, Kuha ni Sarah Almeyda/ORED
Dumalo si Regional Director (RD) Arnel V. de Mesa ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON sa isinagawang oryentasyon ukol sa pagsasanay sa produksyon ng organikong gulay (100 Days Sustainable Organic Vegetable Production Training and Demonstration) noong Mayo 11, 2018 sa Rizal Agricultural Research and Experiment Station (RARES), Brgy.Cuyambay, Tanay, Rizal.
Ito ay magkatuwang na itinataguyod ng kagawaran at ng Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD) sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa naturang lugar.
“Marami pong dahilan upang isaalang-alang natin ang pamamaraang organiko. Ako po ay natutuwa dahil sa pamamagitan ng ganitong pagsasanay ay magkakaroon kayo ng tamang kaalaman at bukas na isipan sa kung ano ang mga dulot ng likas at hindi likas na pagtatanim, at ng pagkakataon na mapaunlad ang inyong kabuhayan. Dito po ay may kakayanan kayong linangin ang inyong lupa at makatulong na paunlarin ang sektor ng agrikultura upang labanan na rin ang nararanasan nating pagbabago ng klima sa kasalukuyan,” sinabi ni RD de Mesa sa harap ng mga nagsipagdalo.
Ang kagawaran ay nagkaloob ng mga pananim na buto, kagamitan sa paghahalaman, at organikong pataba sa mga sasailalim sa nasabing pagsasanay.
Ang ganitong pagsasanay ay isasagawa hanggang Hulyo, tuwing Martes sa Quezon Agricultural Research and Experiment Station (QARES) at Huwebes sa RARES.
Ang katulad na pagsasanay ay nauna nang isinagawa sa QARES noong Mayo 8. Si Josefino G. Caramillo, Science Research Specialist II ng Cavite Agricultural Research and Experiment Station (CARES), ang nagsisilbing tagapagturo sa pagsasanay.