Isinulat at Mga Larawan, Kuha ni Nataniel Bermudez
Itinalaga bilang bagong Assistant Regional Director (ARD) for Research and Regulations ng Kagawaran ng Pagsasaka Rehiyon IV CALABARZON si Engr. Elmer T. Ferry.
Ang turnover (pagpapasa ng tungkulin) ay isinagawa noong Pebrero 5, 2018 sa Opisina ng Regional Executive Director sa Diliman, Quezon City kung saan ay iniabot ng dating Officer-In-Charge (OIC) ng naturang posisyon, Digna P. Narvacan, ang mga mahahalagang dokumento kay ARD Ferry.
Ito ay sinaksihan nina Regional Executive Director Arnel V. de Mesa, Field Operations Division Officer-In-Charge (OIC) Dennis R. Arpia, Administrative and Finance Division Chief Felix I. Ramos, at Personnel Section Head Florencia L. Bas ng nasabing tanggapan.
Bilang tugon, sinabi ni ARD Ferry na malugod niyang tinatanggap ang tungkulin at responsibilidad. “Sa tulong ng Maykapal ay buong puso kong tinatanggap ang trabahong nakaatang sa akin at nangangakong gagampanan nang mahusay ang hamon na aking babalikatin,” ayon sa kaniya.
Samantala, nagpasalamat si Narvacan sa pamunuan ng Kagawaran dahil sa pagtitiwala at suportang kaniyang natanggap sa panahon ng kaniyang paghawak sa naturang posisyon. Siya ay mananatiling Manager ng Southern Tagalog Integrated Agricultural Research Center (STIARC), concurrent Chief ng Research Division, at Chairperson ng Special Bids and Awards Committee (SBAC) ng Kagawaran.
Si ARD Ferry ay dating OIC-RTD for Operations ng Kagawaran sa MIMAROPA.
Ang pagtatalaga ay ayon sa Special Order (SO) No. 63, Series of 2018 na nilagdaan ni Kalihim Emmanuel “Manny” F. Piñol.